Nilagdaan ni Pangulong Donald Trump nitong Huwebes ang isang executive order na naglalayong paunlarin ang artificial intelligence (AI) sa Estados Unidos nang walang ideolohikal na pagkiling o social agenda. Ang hakbang na ito ay binasura ang ilang polisiya ng nakaraang administrasyong Joe Biden na umano'y humahadlang sa inobasyon sa larangan ng AI.
Ayon sa executive order ni Trump, kinakailangang panatilihin ng Amerika ang pamumuno sa pandaigdigang AI technology kaya't mahalaga na tiyaking walang impluwensyang pampulitika o ideolohikal sa pagbuo ng AI systems. Ipinag-utos rin nito na suriin at rebisahin ang lahat ng patakaran, regulasyon, utos, at direktiba na naipatupad noong panahon ni Biden na maaaring hadlang sa mabilis na pag-usbong ng AI innovation.
Kasama sa mga planong babaliktarin ay ang kautusang ipinalabas ni Biden noong 2023, kung saan ipinag-utos ng administrasyon na ipakita ng mga ahensya ng pamahalaan na ang paggamit nila ng AI ay hindi nakakapinsala sa publiko, o itigil ang paggamit nito. Ipinag-utos ni Trump na baguhin o tanggalin ang naturang mga direktiba kung hindi ito nakaayon sa kanyang layunin na itaguyod ang human flourishing, economic competitiveness, at national security.
Ayon sa White House, ang dating polisiya ni Biden ay lumilikha ng labis na pabigat sa mga pribadong kompanya na nagde-develop ng AI, dahilan upang mapigilan ang mabilis na pag-unlad ng teknolohiyang ito. Sinabi rin ni Trump na ang kanyang administrasyon ay gagamit ng AI upang suportahan ang inobasyon at pang-ekonomiyang pag-unlad, imbes na pigilan ito.
Kasabay nito, nagtalaga si Trump ng isang bagong opisyal sa White House na tututok sa AI at cryptocurrency — isang posisyong ibinigay sa David Sacks, isang venture capitalist at dating executive ng PayPal. Siya ang mangunguna sa pagbabalangkas ng isang AI action plan sa loob ng 180 araw upang matiyak na magagamit ang AI sa pagpapabuti ng ekonomiya at seguridad ng bansa.
Matatandaang isa sa mga mahahalagang probisyon ng AI executive order ni Biden ay ang paghiling sa malalaking AI companies na ipaalam sa gobyerno ang mga detalye ng kanilang AI models bago ito ilabas sa publiko upang matiyak na hindi ito makakapinsala sa tao. Ngunit ipinawalang-bisa rin ito ni Trump, kasabay ng pagbabasura sa maraming direktiba ni Biden na may kinalaman sa regulasyon ng AI.
Nagpahayag naman ng pagkabahala si Alondra Nelson, dating acting director ng White House Office of Science and Technology Policy sa ilalim ng administrasyong Biden. Ayon sa kanya, tila "paurong" ang hakbang ni Trump dahil nais nitong baligtarin ang mga patakarang kasalukuyang nagbibigay-proteksyon sa publiko laban sa potensyal na pinsala ng AI.
"Sa loob ng 60 araw, malalaman natin kung kaninong karapatan at seguridad ang bibigyan ng proteksyon ng administrasyong Trump sa panahon ng AI," ani Nelson. "Magiging patas ba ang laban para sa lahat ng innovator o pabor lamang ito sa mga bilyonaryong may kontrol sa teknolohiya?"
Bukod dito, naniniwala rin ang mga kritiko na ang pagbawi ni Trump sa AI guardrails ay maaaring magdulot ng malawakang disimpormasyon, bias, at diskriminasyon sa paggamit ng AI — bagay na sinikap pigilan ng administrasyong Biden.
Sa kabila nito, iginiit ni Trump na ang kanyang hakbang ay nakatuon sa pagpapalawak ng teknolohikal na inobasyon at pagpapanatili ng pamumuno ng Amerika sa AI. Nanindigan rin siya na ang anumang teknolohiyang lilinangin sa ilalim ng kanyang administrasyon ay dapat na malaya sa ideolohikal na pagkiling at nakatuon lamang sa pagpapaunlad ng ekonomiya at seguridad ng bansa.
0 Mga Komento