Magtatayo ng bagong departamento ang BBC News na gagamit ng artificial intelligence (AI) upang maghatid ng mas personalisadong balita sa publiko, ayon sa anunsyo ni Deborah Turness, Chief Executive ng BBC News. Ang hakbang na ito ay bahagi ng pagbabagong istruktura ng BBC upang mas mapalawak ang abot ng kanilang balita sa kabila ng mabilis na pagbabago sa paraan ng pagkonsumo ng balita.
Ayon kay Turness, kinakailangan ng BBC News na gumamit ng AI upang mapabilis at mapalawak ang kanilang pag-abot sa mga manonood, lalo na sa mga kabataang wala pang 25 taong gulang. Inaasahang tututok ang bagong departamento na tatawaging BBC News Growth, Innovation, and AI sa paggawa ng mga balita na nakaayon sa interes at pangangailangan ng mga manonood, kasabay ng patuloy na paglago ng paggamit ng social media platforms tulad ng TikTok at mobile phones sa pagkonsumo ng balita.
Ani Turness, nahaharap ngayon ang BBC sa ilang hamon tulad ng pagbaba ng viewership sa mga tradisyunal na broadcast, pagtaas ng kumpetisyon sa digital platforms, at pag-iwas ng mga tao sa panonood ng balita. Kaya't mahalaga aniya na mabilis na kumilos ang BBC upang matiyak na makasabay sila sa pagbabago ng media landscape.
"Dapat tayong maging masigasig sa pag-unawa sa pangangailangan ng ating mga manonood at maghatid ng balita na naaayon sa format at platapormang gusto nila," ani Turness. "Kailangang gamitin natin ang AI upang suportahan at pabilisin ang ating pag-unlad at inobasyon."
Isa sa mga plano ng bagong departamento ay ang paggamit ng AI upang i-curate o piliin ang mga kwento base sa interes ng isang user, gamit ang kanilang kasaysayan ng panonood o pagbasa ng balita sa kanilang mga smartphone. Ito ay katulad ng paraan kung paano ipinapakita ng mga social media platforms ang mga nilalaman na umaayon sa interes ng kanilang mga user.
Gayunpaman, nilinaw ni Turness na mananatiling nakabatay sa mga prinsipyo ng katotohanan, pagiging patas, at privacy ang paggamit ng AI ng BBC. Sinabi rin niya na ang AI ay gagamitin lamang bilang kasangkapan upang mapabuti ang paraan ng paghahatid ng balita, at hindi upang palitan ang mga mamamahayag.
Nauna nang nagsagawa ng pag-aaral ang BBC kaugnay ng paggamit ng AI sa larangan ng pamamahayag. Natuklasan nila na maraming AI assistants ang may kakayahang maghatid ng maling impormasyon, distorsyon, at hindi tiyak na balita. Dahil dito, tiniyak ng BBC na ang kanilang paggamit ng AI ay laging alinsunod sa mga prinsipyo ng pampublikong paglilingkod, na naglalayong mapanatili ang pagtitiwala ng publiko sa kanilang organisasyon.
Bukod sa pagtatatag ng BBC News Growth, Innovation, and AI, magtatayo rin ng isa pang bagong departamento ang BBC na tatawaging BBC Live and Daily News. Layunin nitong pagsamahin ang lahat ng nilalamang inilalabas ng BBC — mula sa tradisyunal na news bulletins hanggang online content — upang matiyak na iisa lamang ang direksyon ng kanilang pamamahayag sa lahat ng platform.
Naniniwala si Turness na ang pagbabago ay mahalaga upang matiyak na magpapatuloy sa pag-abot sa pinakamalawak na tagapanood ang BBC, anuman ang platform na kanilang ginagamit.
0 Mga Komento