Ad Code

Responsive Advertisement

Pinalalawak ng Guangxi ang Kooperasyon sa ASEAN sa Larangan ng AI

Inihayag ni Chen Gang, Party Secretary ng Guangxi Zhuang Autonomous Region, na may natatanging bentahe ang Guangxi sa pagtatatag ng hub para sa kooperasyon sa larangan ng artificial intelligence (AI) sa pagitan ng China at ASEAN (Association of Southeast Asian Nations). Aniya, ito ay magbibigay ng bagong lakas sa pagpapatatag ng ugnayan sa pagitan ng China at ASEAN tungo sa mas pinag-isang kinabukasan.

Noong Pebrero 23, 2025, lumagda ang Guangxi at Laos sa isang kasunduan para sa pagtatatag ng China-Laos AI Innovation Cooperation Center — ang kauna-unahang platform ng kooperasyon sa AI sa pagitan ng China at ASEAN. Ito ay isang hakbang upang mas mapalakas ang ugnayan ng dalawang panig sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.

Ayon kay Chen, ang Guangxi ay may natatanging posisyon bilang tulay sa pagitan ng 1.4 bilyong populasyon ng China at halos 700 milyong populasyon ng ASEAN. Bukod dito, taglay rin ng Guangxi ang saganang suplay ng enerhiya, mataas na antas ng kasanayan sa wika — kabilang ang mga wika sa ASEAN — at mga patakarang pabor sa ekonomiya, kaya’t ito ang perpektong lokasyon para sa pagpapalakas ng kooperasyon sa AI.

Dagdag pa rito, ang Guangxi ay aktibong nagpapatupad ng AI Capacity-Building Action Plan for Good and for All ng China. Naniniwala si Chen na ang hinaharap ay hindi matutukoy sa pagitan ng tao at AI, kundi sa pagitan ng mga gumagamit ng AI at ng mga hindi gumagamit nito. "Ang mga negosyong unang magpapatupad ng AI ang mangunguna sa industriya," ani Chen.

Ayon sa ulat, mayroon nang 12 terrestrial optical cables na nag-uugnay sa Guangxi at mga bansang ASEAN sa pamamagitan ng China-ASEAN Information Harbor, isang pambansang digital open platform. Bukod dito, inaasahang magsisimula nang mag-operate ang bagong Nanning International Telecommunications Hub sa pagtatapos ng taon, na magbibigay-daan para sa mas mabilis na data transmission sa pagitan ng China at ASEAN. Ito ay magbibigay ng suporta para sa pagpoproseso ng AI data na kinakailangan ng mga bansang ASEAN.

Samantala, tiniyak ni Chen na bahagi na rin ng kasunduan sa pagitan ng China at ASEAN sa ilalim ng China-ASEAN Free Trade Area 3.0 ang pagtutok sa digital economy, kung saan layunin ng Guangxi na magpundar ng 10 bilyong yuan o tinatayang $1.38 bilyong dolyar na AI industrial fund upang lalo pang mapalawak ang cross-border innovation sa rehiyon.

Ayon pa kay Chen, nagkaroon na rin ng malalim na ugnayan ang Guangxi at ASEAN sa larangan ng kalakalan, pamumuhunan, edukasyon, at people-to-people exchanges, na nagresulta sa pagbuo ng mayamang database ng wika na maaaring gamiting pagsasanay sa mga AI models.

Sa katunayan, apat na beses nang ginanap ang China-ASEAN AI Summit sa Guangxi, at ngayong Setyembre 2025, sa ika-22 pagkakataon ng China-ASEAN Expo, ang pangunahing tutok ay ang pagpapalawak ng AI cooperation sa pagitan ng China at ASEAN.

Kamakailan lamang, pinangunahan ni Chen ang isang delegasyon ng Guangxi sa Vietnam at Laos, kung saan positibo ang naging tugon ng mga lider ng dalawang bansa tungkol sa pagsulong ng kooperasyon sa AI. Sa parehong biyahe, lumagda rin ang Guangxi at Laos sa isang landmark na kasunduan para sa pagtatatag ng China-Laos AI Innovation Cooperation Center — ang kauna-unahang plataporma sa AI sa pagitan ng China at ASEAN.

Binanggit din ni Chen ang apat na pangunahing prayoridad para sa pagpapalalim ng kooperasyon sa AI:

Una, akitin ang mga pangunahing AI enterprises mula sa China at ASEAN upang magtatag ng research and development (R&D) centers sa Nanning, Guangxi, na magpapalakas ng cross-border industrial synergy.

Ikalawa, lumikha ng mga customized AI applications para sa mga industriya sa ASEAN gaya ng agrikultura, kalusugan, turismo, at logistics na tutugon sa kanilang partikular na pangangailangan.

Ikatlo, itaguyod ang isang integrated industrial chain kung saan ang R&D ay nagmumula sa mga pangunahing siyudad ng China gaya ng Beijing, Shanghai, Guangzhou, at Shenzhen, ipoproseso sa Guangxi, at gagamitin sa mga merkado ng ASEAN.

Ikaapat, maglunsad ng mga AI training programs para sa mga opisyal, manggagawa, at estudyante sa ASEAN upang palawakin ang kaalaman at kasanayan sa AI.

Sa pamamagitan ng matatag na mekanismo ng kooperasyon sa pagitan ng Guangxi at ASEAN — kasama ang pamahalaan, negosyo, institusyong pangpananaliksik, at sektor ng kalakalan — magkakaroon ng pantay na akses sa makabagong AI technology at pamantayan ang mga bansang ASEAN, na magpapalalim sa tiwala sa isa't isa at magbibigay ng tunay na benepisyo sa mga mamamayan.

Binigyang-diin din ni Chen na ang pagtatatag ng China-ASEAN AI Innovation and Cooperation Center ay magbibigay daan sa pagsasanay ng AI talents, pagpapalakas sa iba't ibang industriya, at pagtutulak ng inklusibong pag-unlad ng AI para sa kapakinabangan ng lahat.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento

Ad Code

Responsive Advertisement