Ang mga sensors ay sumusubaybay sa galaw, temperatura, liwanag, at paggamit ng mga appliance tulad ng kettles at microwaves upang matukoy ang mga rutina at magbigay ng alerto sa mga tagapag-alaga kapag kinakailangan ng tulong.
Isa si Margaret Linehan, isang 86-anyos na may demensya, sa 1,287 na mga tahanan sa Sutton na gumagamit ng teknolohiyang pangangalaga. Ayon kay Margaret, siya ay natutuwa at nasisiyahan sa teknolohiya. "Ito ay para lang kung ako'y madapa o kung may mangyaring masama. Maganda siya," pahayag niya.
Ang software ay nagsusuri ng mga datos upang matukoy ang mga pagbabago sa mga nakasanayang pattern ng pag-uugali. Kapag may nakitang pagbabago, tulad ng hindi pagkain ng isang tao, nakalimutang magtimpla ng tsaa, pintuang naiwan ng matagal, o pagkadapa, agad na ipinaalam ng sistema ang mga kaukulang tao.
Ayon kay Bradley Coupar, isang tech-enabled social care manager, ang mga rutina ng tao ay natututuhan sa paglipas ng panahon kaya’t kayang matukoy ng mga sensors kung may nangyayaring hindi normal, tulad ng isang pagkadapa.
Noong nakaraang taon, mahigit 1,800 na pagkadapa ang natukoy ng sistema at naipasa sa Urgent Community Response Service, ayon sa council.
Ginagamit ng manugang ni Margaret, si Marianne Linehan, ang isang konektadong app upang makatanggap ng mga alerto at i-check ang aktibidad ni Margaret. "Maaari kong tingnan tuwing umaga at makita ang kanyang galaw sa buong magdamag at malaman na siya ay gumagalaw, hindi siya nakahiga sa sahig o walang nangyaring malubha," sabi ni Marianne.
Ikinuwento ni Margaret na isang beses nang magka-crave siya ng tsaa at biskwit ng alas-dos ng madaling araw, agad siyang tinanong ng kanyang anak na lalaki kung ano ang nangyayari. "Tanong ng anak ko, 'Alam mo ba kung anong oras na?' Sabi ko, 'Hindi ko naisip kung anong oras, gusto ko lang ng tsaa at biskwit,'" kuwento ni Margaret.
Ayon sa council, hindi kasama sa AI kit ang mga kamera o mikropono, kaya’t napananatili ang privacy ng mga gumagamit ng teknolohiya.
Ang proyektong ito, na tumatakbo na sa loob ng dalawang taon, ay itinuturing bilang magandang halimbawa ng paggamit ng AI sa pampublikong serbisyo. Binanggit ito ng Department for Science, Innovation, and Technology bilang isang modelo para sa pagpapalawak ng paggamit ng AI upang makatipid ng gastos.
0 Mga Komento