Isang bagong pag-aaral mula sa American Council for Science and Health ang tumatalakay sa posibilidad ng paggamit ng Artificial Intelligence (AI) bilang kapalit ng mga psychiatrist. Ayon kay Henry I. Miller, MD, may potensyal ang AI sa larangang ito, ngunit may kaakibat din itong mga pangamba.
Ayon kay Miller, bagaman may benepisyo ang AI, nangangailangan ito ng tuloy-tuloy na impormasyon tungkol sa mga pasyente, na maaaring magdulot ng mga isyu sa privacy, seguridad, at bias. Mayroon nang naitalang mga insidente ng pagkabigo ng AI sa larangan ng mental health. Isang halimbawa nito ay ang kaso ng isang lalaking Belgian na nagpakamatay matapos makipag-usap sa isang AI chatbot na umano’y humikayat sa kanya na magsakripisyo para sa kalikasan.
Bukod pa rito, may panganib ang tinatawag na "hallucination" sa AI chatbots, kung saan naglalabas ito ng mga impormasyong tila totoo ngunit pawang kathang-isip lamang. Ipinunto ni Gary Smith na kadalasang nahahadlangan ang makatotohanang pagsusuri dahil sa labis na pagtitiwala sa kakayahan ng mga AI system.
Gayunpaman, nananatili ang kumpiyansa ni Miller sa AI. Ayon sa kanya, patuloy na nagagamit ang teknolohiyang ito sa ibang paraan. Halimbawa, ang mga mananaliksik mula sa Stanford University, kasama ang isang telehealth company, ay nakabuo ng Crisis-Message Detector 1, isang AI system na kayang matukoy agad ang mga mensahe mula sa mga pasyenteng may suicidal thoughts, self-harm tendencies, o nagbabalak ng karahasan. Dahil dito, bumaba ang oras ng paghihintay ng mga pasyenteng nangangailangan ng agarang tulong—mula sa ilang oras, naging ilang minuto na lamang.
Bukod sa pagsuporta sa mga propesyonal, may posibilidad ding magkaroon ng ganap na AI therapist sa hinaharap. Gamit ang cognitive behavioral therapy at empathetic support, ang mga AI tulad ng Woebot at Koko ay naglalayong gayahin ang karanasan ng pakikipag-usap sa isang tunay na therapist. Sa kasalukuyan, batay pa lamang sa text ang kanilang sistema, ngunit maaaring maisama ang audio at video sa hinaharap upang masuri rin ang facial expressions at body language ng pasyente.
Sa isang kamakailang survey, 55% ng mga sumagot ang nagsabing mas gusto nila ang AI-based psychotherapy dahil sa convenience at kakayahang makipag-usap nang mas malaya tungkol sa maseselang usapin.
Ang Hinaharap ng Mental Health: Tao o AI?
Ang tiyak na matutuwa sa ganitong teknolohiya ay ang mga health insurance providers, dahil sa posibleng pagbagsak ng gastusin sa mental health care. Ngunit, kasabay nito, maaaring lumitaw ang isang bagong isyu—ang laban para sa karapatang makaharap ang isang tunay na therapist sa halip na isang AI.
0 Mga Komento