OpenAI Nag-U-Turn: Nonprofit Pa Rin ang Magkokontrol sa Negosyo
Sa gitna ng legal na laban, pampublikong pagbatikos, at presyur mula sa gobyerno, nanindigan ang OpenAI na mananatili sa kontrol ng nonprofit ang kanilang organisasyon
Nagdesisyon ang OpenAI na panatilihin sa ilalim ng kontrol ng kanilang nonprofit division ang kanilang lumalaking negosyo, binabaligtad ang naunang planong maging ganap na for-profit. Sa bagong istruktura, magiging isang public benefit corporation (PBC) ang for-profit arm nito, ngunit mananatiling mayoryang shareholder at tagapamahala ang nonprofit arm.
Ayon kay Bret Taylor, chairman ng OpenAI board, sa isang pahayag sa blog ng kumpanya:
Itinatag ang OpenAI bilang nonprofit, at ito pa rin ang may kontrol sa ngayon. Sa hinaharap, mananatili ito sa ilalim ng parehong pamamahala.
Pilit na Restructuring, Tinambakan ng Pagtutol
Ang pagbawi sa plano ay kasunod ng “constructive dialogue” umano sa mga opisina ng Attorney General ng California at Delaware, gayundin ng lumalakas na boses mula sa civic leaders at civil society na tumututol sa ganap na komersyalisasyon ng OpenAI.
Isa sa mga pinakamatinding kritiko ay si Elon Musk, isa sa mga unang namuhunan sa kumpanya, na naghain ng kaso laban sa OpenAI. Ayon sa kanyang reklamo, tinalikuran na umano ng OpenAI ang orihinal nitong misyon bilang isang AI organization para sa kapakinabangan ng buong sangkatauhan. Humiling siya ng preliminary injunction upang pigilan ang conversion, ngunit ito’y tinanggihan ng korte. Gayunpaman, pinayagan ng hukom na umusad ang kaso sa jury trial sa 2026.
Kasama ng kampo ni Musk ang ilang dating empleyado ng OpenAI, at ang nonprofit na Encode, na dati ring tagasuporta ng California AI safety bill (SB 1047). Nag-file rin sila ng amicus briefs upang suportahan ang kaso. Bukod dito, mga grupong manggagawa gaya ng California Teamsters at iba pang organisasyon ay humiling din sa California AG Rob Bonta na pigilan ang plano ng OpenAI, na anila’y “nabigong protektahan ang mga charitable asset nito.”
OpenAI at ang Laban sa Pagitan ng Kita at Misyon
Itinatag ang OpenAI bilang isang nonprofit noong 2015, ngunit noong 2019 ay nag-transition ito sa tinatawag na “capped-profit” structure — isang modelong hybrid kung saan puwedeng kumita ang mga investors, ngunit limitado ang returns. Sa bagong plano, target ng kumpanya na mag-transition muli sa ganap na for-profit, isang hakbang na sinabing kinakailangan upang makalikom ng mas maraming pondo para mapalawak ang operasyon.
Ayon sa mga ulat, kung hindi ito maisasakatuparan sa loob ng 2025, maaaring mawalan ng access ang OpenAI sa bahagi ng capital na kanilang kamakailan lamang na nalikom.
Sa kanyang liham sa mga empleyado na isinapubliko rin sa blog ng kumpanya, sinabi ni Sam Altman, CEO ng OpenAI, na maaaring kailanganin ng kumpanya ang “trilyong dolyar” upang maisakatuparan ang layunin nitong “mabigyan ng akses sa AI ang buong sangkatauhan.” Ani Altman:
Ang nonprofit ay magiging malaking shareholder sa bagong PBC, batay sa payo ng independent financial advisors. Lilipat tayo sa isang mas normal na capital structure kung saan lahat ay may bahagi.
Anong Sunod Para sa OpenAI?
Bagaman tila pansamantalang nalusaw ang conversion plan, hindi pa rin malinaw kung paano nito maaapektuhan ang pakikipag-ugnayan ng OpenAI sa mga investors at ang posibilidad ng pagtaas ng presyon sa kita.
Ang nonprofit commissioners ay inaasahang magiging mas aktibo sa oversight sa mga desisyong pang-negosyo ng kumpanya. Isa sa mga susunod na dapat bantayan ay kung paano makikipagtulungan ang Microsoft, isa sa pangunahing partners ng OpenAI, sa bagong corporate structure.
0 Mga Komento