Pebrero 9, 2025 – Paris, France – Sa nalalapit na Artificial Intelligence (AI) Action Summit sa Paris ngayong Pebrero 10, nanawagan ang Amnesty International sa mga pamahalaan na gawing pangunahing layunin ang pagpapatibay ng mahigpit at epektibong regulasyon upang maiwasan ang mga panganib na dulot ng AI sa karapatang pantao.
Ayon kay Damini Satija, Direktor ng Teknolohiya at Karapatang Pantao ng Amnesty International, “Habang nagtitipon ang mga pandaigdigang lider at mga ehekutibo ng teknolohiya sa Paris, hindi dapat palampasin ng pamahalaan ng France ang pagkakataong itulak ang isang pandaigdigang regulasyon sa AI na may malinaw at mahigpit na mekanismo ng pagpapatupad. Hindi dapat manaig ang interes ng mga korporasyon sa halip na ang kapakanan ng mga taong direktang naaapektuhan ng mga sistemang ito.
Kakulangan ng Partisipasyon ng Civil Society
Sa kabila ng kahalagahan ng summit, binatikos ng Amnesty International ang limitadong partisipasyon ng mga kinatawan mula sa civil society at mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao sa pangunahing agenda ng pagtitipon. Bukod dito, ipinunto rin nila ang kakulangan ng suporta sa mga aktibistang nangangailangan ng visa upang makalahok sa summit, na nagpapakita ng kakulangan sa tunay na diyalogo sa pagitan ng mga pandaigdigang lider at mga apektadong komunidad.
“Kung talagang nais ng mga estado na magkaroon ng bukas, inklusibo, at multi-sektoral na pagtalakay sa regulasyon ng AI, kailangang bigyan ng puwang at pakinggan ang mga boses ng mga pinaka-apektadong sektor,” dagdag ni Satija.
Mga Banta ng Hindi Kinokontrol na AI
Binabalaan ng Amnesty International ang lumalawak na paggamit ng mga prediktibong algorithm at ang kasabay na pag-atake sa mga kalayaang sibil, na maaaring magbigay ng carte blanche o malayang kapangyarihan sa mga kumpanyang teknolohikal upang gumana nang walang sapat na mga alituntunin.
“Hindi dapat malinlang ang mga gobyerno sa maling innovation vs. regulation dichotomy na ipinipilit ng malalaking kumpanya ng teknolohiya. Kailangang unahin ang proteksyon ng karapatang pantao laban sa mga negatibong epekto ng AI, kabilang ang mga automated na sistema na nagpapalakas ng diskriminasyon at nagpapalalim ng hindi pagkakapantay-pantay,” aniya.
Mga Epekto sa Lipunan at Kalikasan
Bukod sa mga direktang panganib, tinukoy rin ng Amnesty International ang mapang-abusong supply chains na nagpapakilos sa AI, kung saan mayroong hindi makataong kondisyon sa paggawa at malawakang pinsala sa kalikasan. Ayon sa organisasyon, hindi dapat limitado sa loob ng mga pambansang hangganan ang pagharap sa mga isyung ito, kundi kailangang maging pandaigdigan ang tugon.
Panawagan para sa Mas Mahigpit na Regulasyon
Upang matiyak ang proteksyon ng mga mamamayan, iginiit ng Amnesty International na ang lahat ng regulasyon sa AI ay dapat walang loopholes o exemptions na maaaring magresulta sa paglabag sa karapatang pantao. Dapat ding obligahin ang lahat ng pampubliko at pribadong sektor, kabilang ang mga ahensya ng seguridad at border management, na sumunod sa mga pamantayan ng karapatang pantao sa lahat ng yugto ng AI lifecycle—mula sa pananaliksik, pagbuo, at pagsubok ng teknolohiya.
Higit sa lahat, ang mga komunidad na apektado ng AI ay dapat magkaroon ng kapangyarihang humingi ng hustisya at lunas. “Dapat tiyakin na may access ang mga mamamayan sa impormasyon at malinaw na paliwanag ukol sa paggamit at operasyon ng AI sa mga sistemang nagpapatakbo ng kanilang buhay,” pagtatapos ni Satija.
Si Damini Satija ay lalahok sa AI Action Summit sa Paris mula Pebrero 10 hanggang Pebrero 11 at bukas para sa mga panayam kaugnay ng iba't ibang isyu sa teknolohiya at karapatang pantao.
0 Mga Komento