Ang sci-fi na pelikulang The Matrix ay maaaring may katotohanan.
Sa kasalukuyan, ilang siyentipiko at pilosopo ang nagtatalo kung posible nga bang tayo ay nabubuhay sa isang simulation.
Isang physicist mula sa University of Portsmouth, si Dr. Melvin Vopson, ang naglathala ng ebidensiyang sumusuporta sa tinatawag na simulation hypothesis—isang teoryang nagsasabing ang ating buong uniberso at realidad ay maaaring isa lamang ilusyon ng isang mataas na antas ng teknolohiyang realidad.
Ayon kay Dr. Vopson, may mga bagong tuklas sa larangan ng information physics na nagpapahiwatig na ang ating mundo ay binubuo ng mga bits ng impormasyon. Mas matindi pa, kanyang ipinanukala na ang impormasyon mismo ay maaaring may pisikal na timbang at posibleng siyang bumubuo sa tinatawag nating dark matter, ang mahiwagang materyal na bumubuo sa halos isang-katlo ng uniberso.
Ang Prinsipyo ng Infodynamics
Noong 2022, natuklasan ni Dr. Vopson ang tinatawag na Second Law of Infodynamics, na nagsasaad na sa isang sistemang may nakahiwalay na impormasyon, ang antas ng kaguluhan ay nananatili o bumababa sa paglipas ng panahon.
Sa madaling salita, tila may mekanismong nagpapanatili ng kaayusan sa halip na pabayaan itong sumunod sa tsansa lamang.
"Alam kong ang natuklasan kong ito ay may malawak na epekto sa iba't ibang larangan ng agham," ani ni Dr. Vopson. "Kaya nais kong subukan ang prinsipyong ito upang dalhin ang simulation hypothesis mula sa pagiging isang pilosopikal na ideya patungo sa larangan ng siyensiya."
Ebidensiyang Sumusuporta sa Simulation Hypothesis
Ayon kay Dr. Vopson, kung ilalapat ang kanyang natuklasan sa iba’t ibang larangan tulad ng henetika at kosmolohiya, makikita ang pagkakapareho ng mga pattern sa uniberso na nagpapakita ng organisadong simetriya.
"Mahalaga ang mga prinsipyo ng simetriya sa mga batas ng kalikasan, ngunit wala pang malinaw na paliwanag kung bakit ito nangyayari," dagdag pa niya.
Ang kanyang pananaliksik ay nagpapakita na ang mataas na antas ng simetriya ay tumutugma sa mababang information entropy—isang konseptong maaaring ipaliwanag kung bakit mas pinipili ng kalikasan ang kaayusan.
Bukod dito, napansin din ni Dr. Vopson na ang paraan ng kalikasan sa pagbawas ng labis na impormasyon ay kahalintulad ng kung paano inaalis ng isang computer ang hindi kinakailangang data upang makatipid ng storage space at mapababa ang konsumo sa kuryente.
"Ang ideyang ito ay sumusuporta sa posibilidad na tayo ay nasa loob ng isang simulation," dagdag pa niya.
Eksperimentong Magpapatunay ng Hypothesis
Upang masagot ang palaisipan kung tayo nga ba ay nasa isang simulation, gumawa si Dr. Vopson ng isang eksperimento.
"Kung totoo ngang isang simulation ang uniberso, dapat itong naglalaman ng maraming information bits na nakatago sa paligid natin," paliwanag niya. "Mayroon akong iminungkahing eksperimento upang mahukay at masukat ang impormasyong ito."
Ang kanyang eksperimento ay batay sa ideya na ang impormasyon ay may pisikal na presensya at maging ang pinakamaliit na partikulo ay may sariling 'impormasyon DNA'.
"Maaari nating sukatin ang impormasyon ng isang partikulo sa pamamagitan ng pagbura nito. Kapag naalis ang impormasyon mula sa partikulo, maaari nating obserbahan kung ano ang matitira."
Kung mapapatunayan ang teoryang ito, maaaring tuluyang baguhin nito ang ating pananaw sa realidad at magbigay ng sagot sa ilan sa pinakamalalaking misteryo ng uniberso.
0 Mga Komento