Isang pangkat ng mga siyentipiko mula sa Swansea University at King's College London, sa pakikipagtulungan ng mga eksperto mula sa Chile, ang bumubuo ng bagong uri ng aspalto na kayang kumpunihin ang sarili nitong mga bitak nang hindi nangangailangan ng manual na pag-aayos.
Sa kanilang pananaliksik, ginamit ang machine learning upang pag-aralan ang organic molecules sa mga komplikadong likido tulad ng bitumen, ang malagkit na materyal sa aspalto na tumitigas sa paglipas ng panahon. Gumamit ang mga eksperto ng AI upang bumuo ng isang data-driven model na nagpapabilis sa pagsusuri ng bitumen oxidation at crack formation. Bukod dito, katuwang din ang Google Cloud sa pagsasagawa ng simulation ng bitumen behavior gamit ang advanced computing technology.
Upang makalikha ng self-healing asphalt, isinama sa materyal ang microscopic spores na naglalaman ng recycled oils. Kapag nagkaroon ng bitak sa aspalto, pinapalabas ng spores ang langis upang muling buuin ang porma ng materyal. Sa mga laboratoryo, napatunayan na ang bagong materyal na ito ay kayang maghilom ng microcracks sa loob lamang ng isang oras.
Ayon kay Dr. Jose Norambuena-Contreras, isang eksperto sa self-healing asphalt mula sa Swansea University, "Sa interdisciplinary na pag-aaral na ito, pinagsama namin ang kaalaman sa civil engineering, chemistry, at computer science, kasabay ng paggamit ng AI tools mula sa Google Cloud upang higit pang mapabilis ang inobasyon."
Bukod sa pagpapababa ng maintenance costs, makakatulong din ang bagong teknolohiyang ito sa pag-abot ng net-zero emissions sa sektor ng kalsada. Malaking bahagi ng carbon emissions mula sa mga daan ay nauugnay sa produksyon ng aspalto, kaya naman ang paggamit ng mas matibay at self-healing na materyales ay maaaring magbawas sa environmental impact nito.
Dagdag ni Dr. Norambuena-Contreras, "Upang maisakatuparan ang mas sustainable na net-zero asphalt roads, kailangang magtulungan ang gobyerno, industriya, at akademya upang maisulong ang mga makabagong solusyon sa imprastruktura."
Samantala, si Dr. Francisco Martin-Martinez mula sa King's College London ay nagbigay-diin sa inspirasyon ng kanilang pag-aaral: "Sa aming pananaliksik, sinusubukan naming gayahin ang natural na proseso ng paggaling na matatagpuan sa kalikasan. Tulad ng sugat sa balat na gumagaling sa paglipas ng panahon, nais naming likhain ang aspalto na may kakayahang maghilom nang kusa, na magpapahaba ng buhay ng mga kalsada at magbabawas ng pangangailangan para sa repair operations."
Bukod sa paggamit ng biomass waste bilang pangunahing materyal, patuloy din ang pagsasaliksik sa iba pang sustainable components tulad ng biopolymers mula sa brown algae at vegetable oils, pati na rin ang mga rejuvenators mula sa thermal conversion ng end-of-life tires. Sa pamamagitan ng pagsasama ng mga ito sa bagong teknolohiyang aspalto, posibleng makabuo ng isang mas matibay, mas eco-friendly, at mas matipid na solusyon sa imprastruktura ng hinaharap.
0 Mga Komento